News
Manresa School, pormal na idinaos ang Wikasaysayan 2024
Noong ika-siyam ng Setyembre, ipinagdiwang ng Manresa School ang WiKaysaysayan 2024 na pinangunahan ng departamento ng HUMSS at GAs. Ang programa na ito ay inilunsad ng mga guro at mag-aaral upang ipagdiwang ang kilalang okasyon na Buwan ng Wika. Ang layunin ng programa na ito ay mabalikan ng bawat indibidwal—mga guro at estudyante—ang ating sariling kasaysayan at ang kahalagahan ng pangsariling wika sa pamamagitan ng iba’t ibang aktibidad ng inihanda ng departamento ng HUMSS at GAs.
Ang Wikasaysayan ay isang taunang programa ng Manresa School na iginaganap tuwing Septyembre. Ngayong taon, ang tema para sa pagdiriwang ay: “Bayang Malaya: Sandalan ang Wika at Kasaysayan sa Pagtatanggol sa mga Kalupaan at Karagatan ng Lupang Sinilangan”. Ang temang ito ay ang naging basehan sa mga awtput ng iba’t ibang kompetisyon ng WiKasaysayan tulad ng Sulkas Tula (spoken word poetry), Isip-hayag (pagbibigay ng talumpati), Malikhaing pagsulat ng sanaysay, Himigsikan (komposisyon ng kanta), at marami pang iba. Ang pagdiriwang ay mayroong tatlong mahalagang kaganapan: 1.) ang pambungad na programa, 2.) online webinar, at 3.) ang pangwakas na programa.
Naganap ang pambungad na programa noong Setyembre 9, 2024 sa Main Audio-Visual Room (AVR) ng Manresa School, kung saan ay ipinakilala at ipinaalam ng mga estudyante sa departamento ng HUMSS at GAs ang mga detalye ukol sa MS WiKasaysayan 2024. Ang mga naging emcees sa programa ay sina Madizon Manzano mula sa pangkat 12 - St. Mark at Charlize Celdran mula sa pangkat 11 - St. Candida.
Sa pambungad na programa, nagpresenta ng isang skit ang mga piling estudyante upang magbigay introduksyon sa kabuuan ng pambungad ng programa. Pagkatapos ay pinamunuan ni Yzabella Lontoc ang isang panalangin, at sinundan ng pambungad na pananalita ni Paubielle Zoleta mula sa 12 - St. Mark. Upang maganyak ang mga estudyante, nagkaroon ng isang maikling aktibidad na pinamunuan nina Ms. Mica Bedonia at Ms. Marjorie Grefal. Pagkatapos ng aktibidad, ipinanood sa mga estudyante ang isang inihandang bidyo na kung saan ipinakita ang mga kaganapan sa bansang Pilipinas, at kasama na rin ang mga detalye at mekaniks ng iba’t ibang kompetisyon sa loob ng WiKasaysayan 2024. Nagkaroon ng pangwakas na pananalita na pinangunahan ni Anika De Capia mula sa 11 - St. Candida at isang pangwakas na panalangin naman na pinamunuan ni Nigelo Salvador na mula rin sa 11 - St. Candida.
Sa pagpapatuloy ng pagdiwang ng Wikasaysayan 2024, naganap ang isang online webinar noong Setyembre 20, 2024 sa oras ng 9:50am-11:40am sa pamamaraan ng Zoom meeting. Ang mga tagapagdaloy sa webinar na ito ay sina Rhianne Yarra mula sa pangkat 11 - St. Candida at Hailey Miranda mula sa pangkat 12 - St. Mark. Upang simulan ang programa, pinamunuan ni Carmela Gutierrez ang isang pambungad na panalangin. Pagkatapos naman ay sinundan ni Ginoong Edizon Zamora, isang tagapag-ugnay ng departamento ng HUMSS/GAs, ang isang pambungad na pananalita. Sa webinar na ito, ang tagapagsalita na naimbitahan ay si Dr. David Michael M. San Juan, isang propesor ng Departamento ng Filipino ng De Lasalle University (DLSU-Manila). Siya ay dalubhasa sa pag-aaral ng Filipino at Dating Pangulo ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino (PSLLF). Tinalakay ni Dr. David ang mga iba’t ibang paksa at asignitura gamit ng wikang Filipino. Ito ay isang paraan upang ang mga mag-aaral ay matuto at mapalalim ang kanilang pagbigkas ng wikang Filipino, hinggil sa temang selebrasyon na; “Bayang Malaya: Sandalan ang Wika at Kasaysayan sa pagtatanggol sa mga Kalupaan at Karagatan ng Lupang Sinilangan.” Pinasalamatan naman pagkatapos si Dr. San Juan at sinundan ito ng pangwakas na pananalita ni Ms. Mica Bedonia.
Sa kabilang dako, naganap ang pangwakas na programa noong Setyembre 25, 2024 sa auditoryum ng Manresa School. Ito ay sinimulan nina Yuhan Padsoyan, at Timothy Zamora mula sa pangkat 11 - St. Candida, ang mga tagapagdaloy sa programang ito. Dito ipinakilala ang mga estudyanteng nagwagi sa iba’t ibang aktibidad na isinagawa. Bukod sa pagpapakilala ng mga nagwagi, iginanap din ang patimpalak na “Lakan at Lakambini 2024”, kung saan ay nakipagkompetensya ang mga estudyante mula sa iba’t-ibang mga seksiyon at baitang sa Senior High School Department. Ipinakita nila ang kanilang mga magigiting na kasuotang naayon sa rehiyong nakuha nila, at husay sa pagsagot ng mga tanong tungkol sa mga napapanahong isyu tungkol sa ating wika, kultura, at kasaysayan. Nagtapos ang pangwakas na programa sa pasasalamat ng mga guro mula sa departamento ng HUMSS at GAs.
“Para sa akin, masaya ako dahil ako yung pinili bilang host para sa WiKasasayan 2024, isa siyang karanasan na gusto kong ulit-ulitin. Medjo nahirapan dahil same day lang kami nakakuha ng script at medjo nabulol ako sa mga sinabi ko pero nakatulong talaga ito para makita kung ano aking mga abilidad.” - mungkahi ni Timothy Zamora, estudyante mula sa 11 - St. Candida
Ang WiKasaysayan ng taong panuruan 2024-2025 ay nagsilbing paraan upang hasain ang kaisipan, nasyonalismo, at kamalayan ng Pamilyang Manresa sa mga kontemporaryong isyu sa bansa. Nabigyan ang mga estudyante ng oportunidad na ilabas ang kanilang talento at pasyon ukol sa sining, musika, pagsusulat, at pagtatanghal—na ipinakita nila sa iba’t ibang mga kompetisyon. Sapagkat tayo’y inaapi ng dayuhan, partikular ang bansang China na nanghihimasok sa Dagat Kanluran ng Pilipinas—nakakabuti ang pagdaraos ng WiKasayasayan sa ating pagkamakabayan at pagbubuklod bilang isang bansang Pilipinas.
Nagpapaalala sa atin ng WiKasaysayan 2024 na tayo’y isang bansang Pilipinas, na may isang lahi, isang layunin, at isang magkakaugnay na wika, kasaysayan, at kultura.
Isinulat nina Joaquin Jimenez, Amanda Martinez, Enzo Llanes, Jada Ongkingco at Raul Sande